Dito sa kalupaang hustisya ay nakabalot,
kung saan kolonyalismo’y hubad,
kalayaan ay huwad,
ikaw ay pawang kaluluwang ligaw
na nananahan sa mga pagmamay-aring
iyong pinagdududahan,
at nasasabik sa katutubong hangin,
na unti-unting sinasala upang ‘di matugunan,
hanggang sa damdami’y masupil .
Parang isang nakalatag na papel,
kalmado itong senaryo.
Naglalakad ka sa isang banayad at
akala mo'y malinis na lansangan.
Pahapyaw ang pagtatakipsilim at
unti unting humihinog sa pagkapula ang paligid.
At lahat halos ng mga bagay na
kulay puti ay nakaangat—
Ang mga ulap, nangungusap.