![]() |
Oil Painting by Clint Rey Policarpio. Poster Art by Laki Mata |

Apoy ang kulay ng ating dugo dahil may init na dumadaloy sa ating puso.
Ikaw ang pinagmulan, hinulma sa lahing Pilipino, at tulad ng ginto, may kislap ang iyong pagkatao!
Nakaguhit sa mga ngiti ang gaan at lalim ng iba’t ibang mga kwento.
Tumitig ka sa silid ng manlilikha na may dibuho’t aninag na may dibuho ng iyong mundo.
Libutin mo ang payapa at maligayang paligid na natatakpan ng puti at bughaw na langit.
Sa’yong bayan may puwang ang halaga ng pamilya, araw-araw may pagmamahalan.
Magmula man sa payak na probinsya ng Pangasinan o sa lansangan ng Kamaynilaan,
Bawat isa gumagalaw at totoong masasaya, lahat may kasaysayan.

Hango sa tunay na damdamin, sa di malimot na karanasan, muling nailalarawan ang ganda at sigla ng buhay.
Nadarama sa indak ng mga kulay at linya ang halina ng lahing may saya, may hiwaga, may laya.
Ang yaman at talas ng isang pamayanan ay nauunawaan sa kanyang simpleng pamumuhay.
Ito ang iyong tahanan— simple at masaya. Hindi nasusukat ang ganda ng kalupaan sa pisikal na katangian, kundi sa tinataglay nitong mga kwento.
Pinagpala sa kayamanang mula sa lupa at mula sa mga puso, saan mang dako ay matatagpuan ang pagmamahalan, pagkakaisa, at busilak na kasiyahan.
Nananalaytay sa kanyang dugo ang bangis at pag-ibig ng kanyang lahi patungo sa mga taong ginuhit at mga alaalang nabuhay— dumadaloy hanggang sa diwa ng mga nakadarama.
Ang sayang dulot nang unang mabasa ng tubig, ang bighani ng mga alon sa dagat, ang paghalik ng liwanag ng langit sa kanyang hangganan, at ang simoy ng tubig-alat sa may baybayin.
Ang hingang-malalim sa pagtalon sa ilog at paglimlim sa may kubling bakawan. Sa kabilang ibayo, madidinig ang talsik ng mga kaliskis ng isda at mga laway mula sa mga tindera sa talipapa. Lapit ka, suki!
Ang indayog ng bisig at tindig ng mga pamilyang maralita sa may iskinita. Ang sabik na puso nang magsalu-salo sa mga tanging pagdiwang— ang piyesta, ang simbang gabi, ang silakbo ng damdamin sa daluyong ng masa.
Ang hampas ng kanilang katawan ay kasabay ng mga nagsasayawang halaman, habang nalilipad ang halimuyak ng mga dahon. Ang pagbati ng liwayway sa madaling araw na humahaplos sa sanga ng mga puno.
Ilan sa mga pangyayaring ito ang tatak ng Pilipinas, ito ang haraya ng nagpipinta.
Samu’t saring mga ideya na bumubuo sa isang tanawin.
Kasama ng pamilyar na masa sa sentrong tagpuan—kumikilos, sumasayaw, naglalakad, umaawit, nangungusap, sumisigaw, nagmamasid, at umiibig—dama mong ikaw ay kabilang.
Tumingin ka’t bumisita paparoon. Sariwain ang iyong pandama. Doon sa loob ay may sining, bumabati ang nagpipintang si C. Policarpio sa gilid, ang kanyang asawa’t anak, at sa loob ng kanyang sining ay nabubuhay ang malawak na mga gunita. Siyang nabubuhay sa nakaraan at sa kasalukuyan.
Ang mga likha ay isang tanawin ng kamalayang kayumanggi. Hindi lamang larawan, ito’y paalala sa kagandahan ng kagawian na dumaan at patuloy na sumisibol, bago pa man lumipas ang araw, at ang kabihasnan.
Sa paglakbay niya sa iba’t ibang panahon at pagbalik-tanaw sa mga pook at pangyayari ay unti unting nalilikha ang isang mundong mapagpalaya.
Walang malungkot, walang nag-iisa. Ang lahat ay may ngiti at magkakasama.
Gamit ang sining ay naibabahagi ang kanyang paglalakbay, gayundin ang paglalakbay ng mga kwento ng lahi para sa pagkilala at higit na pag-unawa.
Isang salamin sa dumadaloy na kamalayan. Hindi natatapos ang paglikha.
Layon ng pintor na muling mailantad at maimulat ang bagong bayan sa kaluluwa ng kanyang kalinangan na minana sa mayamang kasaysayan, kaugalian, kalikasan, at pagkakakilanlan.
Nagmumula sa lahat ng mga nilalang ng Diyos ang tagumpay ng bayan, kung saan ang paligid ay nabubuhay at ang tao’y magkakaugnay.
Sa daloy ng pintura at likas na talino ng manlilikha naisasalaysay ang kagandahan at kabuluhan ng isang pamayanan.
Bahagi ka ng kanyang mundo— kapwa Pilipino kang isinilang sa paraiso.




